Civil Society Groups dismayado sa 16th Congress, sa pagkakabigo na maipasa ang ‘CAB-compliant BBL’

1
Manila, Philippines—Nagmartsa ang mga dismayadong Raliyista mula sa Belmonte High School bago pumunta sa South Gate ng Congress 3:00 ng hapon ang mga ralisyista bitbit ang mga placards at tarpaulin nitong February 3, 2016.

Lazada Philippines

Pagdating sa gate ng Kongreso, nag-alay muna sila ng dasal (Asr) bago sinimulan ang programa at nagtalaumpati ang bawat kinatawan ng UNYPAD, AnakMindanao, Ummahat, 1-Bangsa, Muslim Youth Brotherhood, League of Bangsamoro Organization, UnYPhil-Women at ang Liwanag ng Kapayapaan Foundation ni Abdulaziz “Robin” Padilla.

Sinabi ni Bobby Benito ng League of Bangsamoro Organizations (LBO) ang 16th Congress umano ay mapang-api at anti-Muslim. “Bakit ko po nasabi? dahil sa pagpatay nila sa BBL ay maaring sumiklab ang gyera at walang ibang dapat papanagutin maliban sa kanila,” wika ni Benito.

Giit ni Rep. Djalia Hataman (Anak Mindanao) na mahirap anya na maging bahagi ng institusyon na hindi nakakaintindi sa kung ano ipinaglalaban mo.

“…Lima kaming mga kongresistang Moro, pagdating sa botohan kahit itaas pa namin ang aming mga kamay at paa ay hindi pa din yun sapat,” sabi ni Rep. Hataman.

Nakiisa din ang actor na si Robin Padilla, na isang balik Islam mula sa Liwanag ng Kapayapaan Foundation.

“Kahit hindi pinapansin ng kongreso ang ating pinaglalaban ay tuloy pa rin ang ating laban,” ani ni Padilla.

Nagpahayag din ng hinanakit ang grupo ng mga kababihan sa ginawang kilos-protesta.

“Kaya kayo ganyan dahil hindi nyo nasubukang mamatayan ng asawa, anak, kapatid dahil sa kaguluhan. Hindi ba kayo naaawa sa mga sundalong pinapadala nyo doon sa Mindanao na nakikipag-patayan sa mga Moro,” ang sabi ni  Ustadza Julie ng Ummahat.

“Habang kayo ay nagpapasarap, ang inyong mga kasundaluhan ay naghihirap. Akala ko ba ang Mindanao ay kasali sa Pilipinas, kung totoong kabahagi sa Pilipinas ay bakit hindi ang mga nakakabuting bagay ang binibigay nyo tulad ng BBL na based on CAB pero mga bomba at sundalo ang ipinapadala ninyo,” dagdag ni Julie.

Ayon pa sa kanya, “Kung totoong kasama sa Pilipinas ang Mindanao ay aprubahan nyo ang original na BBL.”
2
Nagpalabas din ng saloobin si Ommohani Mabandes, Chairwoman ng UNYPAD-NCR Women Affairs Committee kaugnay ng pagpatay ng mga mambabatas sa pag-asa na maging matahimik at maunlad ang Mindanao dahil sa pagkabigo na maisabatas ang BBL.

“Manhid ang mga mambabatas na yan sapagkat hindi nila nararamdaman ang damdamin ng mga nanay na nangangamba na kapag hindi naaprubahan ang BBL na ito ay takot na muling sisiklab ang gyera at sila’y magdurusa sa pag-aalaga at pagpapalaki ng kanilang mga anak gawa ng maaring pagkamatay ng kanilang mga asawa,” sabi pa ni Mabandes.

“Sa mahal na Pangulong Noynoy, nanawagan kaming sa kanya na ipasa ang BBL dahil umaasa kami na tutuparin nya ang kanyang pangako dahil siya’y may isang salita na kanyang minana sa kanyang mga magulang,” ang pagmamakaawang sinabi ni Mabandes.

Sa kabila ng emosyunal na damdamin ng mga nagprotesta, nananawagan naman si Sajid Khan Tula, UNYPAD Chairman ng National Capital Region na maging mahinahon. “Dapat ‘wag tayong magpadala sa init ng ating nararamdaman, maging mahinahon tayo lalo ang aming mga kapatid na nandyan sa Mindanao,” apela ni Tula.

“Huwag tayong mawalan ng pag-asa, darating ang panahon, maipapasa din ang BBL na naayon sa kagutuhan nating mga Bangsamoro,” ayon kay Tula.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *